Nagpulong ang lahat ng punong barangay sa bayan ng Narra ngayong umaga ng Miyerkules, Marso 3, sa pamumuno ni Board Member at ABC President Ferdinand “Inan” Zaballa upang hingin ang kani-kanilang opinyon sa nalalapit na plebisito ng paghahati ng lalawigan sa tatlong probinsiya.
Sa nangyaring pulong ay nagpahayag ang bawat punong barangay sa Narra ng kanilang mga opinyon ukol sa mangyayaring plebesito. Naglabas rin ng kani-kanilang saloobin at pangamba ang mga punong barangay ukol sa kumakalat na hinala na mababawasan ang pondo ng kanilang mga barangay kapag natuloy ang hatian.
Ito naman ay pinabulaanan ni BM Zaballa at sinabing hindi ito makatotohanan. Ayon sakanya, taliwas sa ibinabatong mga batikos ng grupo ng One Palawan Movement, ang pondong matatanggap ng bawat barangay ay mas tataas umano sapagkat magkakaroon ang mga ito ng “equal share” sa natural wealth and resources ng kanilang munisipyo kahit umano’y walang sapat na natural wealth o resources ang barangay na kanilang kinabibilangan.
“‘Yan po ay hindi totoo. Bilang Liga President, hindi ko gugustohin na mapasama ako gayundin ang lahat ng aking kapitanes. Mas tataas pa po ang pondo o IRA ng bawat barangay dahil kapag natuloy ang hatian ay magkakaroon sila ng share mula sa natural wealth and resources, kumbaga, hating kapatid ang mangyayari sa pondo,” ani Zaballa.
Nilinaw din ng board member ang financial status ng kapitolyo sa ngayon patungkol sa isyung ibinabato ng mga kabilang grupo na hindi pa umano nahahati sa tatlo ang probinsya ay baon na sa bilyong utang ang lalawigan.
“Hindi tayo baon sa utang. May papeles na hawak ang ating gobernador na kayang magpatunay niyan at pirmado ‘yan ng provincial treasurer. Ang bangko mismo ang lumalapit sa atin upang mangutang dahil kada buwan po ay mas malaki ang nakukuha nating interes kaysa sa inilalabas natin sa kapitolyo,” ani BM Inan Zaballa.
Nagkaroon ng makabuluhang pagtatalakay ang mga punong barangay at sa huli’y ang mga ito ay nalinawan sa kabuluhan at kahalagahan ng paghahati ng probinsiya sa tatlo. Tuloyan na ngang nawala ang pangamba sa mga ito at ngayo’y taos puso nang sumusuporta para sa hatiang magaganap.
Ang iilan sa mga ito ay tahasan pang gumawa ng short video testimony upang makatulong sa pangangampanya kaugnay sa nalalapit na plebesito.
Kampante naman ang mga ito na sampung araw bago ang plebisito ay mauunawaan din ng kanilang ibang mga ka-barangay ang importansya at benepisyo ng paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya.